Sa Pagitan ng Lagnat at Lunas

This review on “Fever Dream” exhibit at the UP Vargas Museum by Maverick Alviar is his output for our Art Criticism Writing Workshop last September 2024.

Sa Pagitan ng Lagnat at Lunas

by Maverick Alviar

Matindi ang sinag ng araw at ihip ng mainit na hangin nitong unang kalahati ng 2024.  Kung mas mataas sa 37.2 ang natalang temperature ng thermometer sa kilikili mo, malamang sa malamang ay may lagnat ka. Halos pumatak ng 40 degrees Celsius ang mga heat index na inaasahan sa kalunsuran nitong nagdaang unang sangkapat ng taon.  Sa kasagsagan ng init buhat ng pagnipis ng atmospera o pag-aalimpuyo ng lagnat sa katawan, matatas na sinubukan ng eksibisyong “Fever Dream” ang marahang paghalina sa mga taga masid.

Isinapubliko ang Fever Dream noong ika-20 ng Pebrero sa unang palapag ng UP Vargas Museum, isang museo, aklatan, at sentro ng pananaliksik sa Filipiniana sa kalunsuran ng Quezon. Gaya ng lagnat na hindi mo matiyak ang pagsapit at paggaling, bahagyang ipinakilala ng eksibisyon ang mga artista kasama ng kanilang mga piyesa.

Mababanaag sa damuhang tapat ng museo ang tatlong salaming bakal ni Micaela Benedicto. Sa pagtatangkang maapuhap ang kahulugan ng bawat salaming piyesa, mataimtim mong lilibutin at iikutin ang mga abstrak na bagay. Nakikipaglaro sa espasyo ang mga pigura ni Benedicto, gayundin ang mga larawang nabubuo rito: mula sa luntiang puno ng mga akasya, hanggang sa kulay ng mga nalagas na dahong naipon sa lupa. Kinakatay ng mga salaming bakal ang kapaligiran, maging ang arkitektura ng museo mula sa labas. Sa malayo ay tila nagbabalatkayo ang tatlong bakal na ito sa harapan ng museo, dipende sa punto de bista ng mga bisita. Bagamat may sariling diyalogo ang mga piyesa ni Benedicto sa kaligiran, kahinaan nito ang abstraksyon nito sa mismong paghuhulagway ng kabuuang eksibisyon.

Bukod sa ginhawang dala ng malamig na hangin sa lobby ng museo, bungad din sa gawing kaliwa ang mga tablang pinagdidikitan ng Codes ni Mark Salvatus. Nakakubli ang kahit anong tekstong impormasyon sa seryeng Codes. Nakalantad ang mga ugat ng kalsada sa mapa ng pamilyar na pook. Sa kartograpiyang ito ni Salvatus, hindi kilala ang lugar, mayroon lamang nagbabadyang halimaw sa metropolitan. Hindi nagkalat na ipis o electrical tape ang nakatapal sa mapa ni Salvatus. Nakikipagtalastasan ang mga seryeng ito sa kadikit nitong mga dokumento mula sa sinupan ng museo: mga papel hinggil sa pagpaplanong urban noong pangangasiwa ni Jorge B. Vargas. Pinalilitaw ng sinalungguhitang mapa at ng mga dokumento ang kaganapang pag-unlad na siyang nagbubunsod ng mga kalye at lungsod.

Dagdag pa sa serye ni Salvatus, ay ang video work ni Jaekyung Jung na pinamagatang Metal, Pine Tree. Dinamiko ang pagsasabrodkast ng mga eksena sa paghahayag ng kaganapan sa ‘di mawaring siyudad. Nakatugaygay ang naratibo ng piyesa ni Jung sa isang lungsod kung saan may umiiral na sakit at ang tanging solusyon: kanibalisasyon. Kung ipagpapalagay, interogatibo ang likha ni Jung sa talakayang moralidad na masasalat natin sa kasalukuyang suliranin na kinahaharap ng mundo. Pero higit pa sa kuwento, napapaupo ang mga bisita at tinatapos ang buong video installation. Sa bahaging ito ng galerya, nakatakip pa rin ang mga sticker mula sa nakaraang eksibisyon ni Buen Calubayan, artistang tampok din sa Fever Dream. Hindi pa tinanggal ang Perspective Coordinates of Spoliarium ni Buen, marahil ay isang estratehiya para hiramin ang lilim na dala nito dahil kumakalat ang sinag ng araw sa salamin ng museo. Hindi mo nga naman mapapanood nang maayos ang isang projection kung maliwanag ang kaligiran. Bagamat nakatutulong ang piyesa, tumataliwas na ito sa mismong kahulugan ng tema ng kasalukuyang eksibisyon. Sa bahaging ‘to nakikita ang kahinaan ng espasyong kailangan ng maraming interbensyon.

Sa unang yugto ng Fever Dream, maaabutan ang ikalawang video work ni Jung. Ipinalabas noon sa video room ng unang palapag ng museo, sinasalaysay naman dito ang mga asong inalagaan ng isang pamayanan sa bingit ng pag-unlad sa South Korea. Nilalapit muli nitong likha ni Jung ang usapan sa urbanisasyon bago pa naipuwesto ang seryeng likha ni Salvatus. Tumatalima ang mga talinghaga ni Jung sa paggalugad ng eksibit sa pangmalawakang karanasan natin sa iba’t ibang karanasan sa balat ng lupa.

Kalaunan ay napalitan ang video work na ito ng A Love Song in Spanish ni Ana Elena Tejera. Sa maiklinig pelikula ni Tejera mapapanood si Yolanda Matieu, ang kaniyang lola, habang siya’y gumugunita sa nakaraan. Sa indayog ni Yolanda sa saliw ng araw-araw na gawain, itinatanghal niya ang higit na nakaaantig na alaalang bumbakas at umuukit sa balat. Masasabing pwede na nga rin sumabay ang mga bisitang mag-nobyo sa solong sayaw ni Yolanda dahil hindi agarang matatahi ang piyesang ito sa buong kahulugan ng eksibit.

Pagkahawi ng kurtina mula sa video room, maaaninag ang nakasabit na diagram ni Buen Calubayan. Sa puting tela makikita ang nakaguhit na lemniscate kung saan masusundan ang pagaasikaso sa lagnat. Sa likod ng telang ito ay mapapansin muli ang mga natirang Banahaw Diagrams mula sa nakaraang eksibisyon ni Buen. Mababasa mula sa labas ang samot-saring diagram na halaw sa mga karatula at tela na natagpuan ni Buen sa banal na bundok ng Banahaw. Payak ang paghain ng mga diagram ni Buen. Sa bigat ng teksto ay napatitigil nito ang mga bisita para sundan ang diagram. Kung ihahambing sa Perspective Coordinates of Spoliarium sa kabilang bulwagan, may lugar ito sa tema ng Fever Dream at hindi lamang mumo mula sa naunang eksibit.

Katabi ng mga diagram ni Buen ay masusubaybayan ang Lakec na video work ni Posak Jodian. Kung masisinang isusuot ang headphones at panunuorin, itinatala ng likha ni Jodian ang paggunita ng kamag-anak niya at ng pangkat Fata’an sa natuyong ilog. Naaalala ng tatay ni Jodian at ng ibang Fata’an ang ilog kung saan umaagos ang buhay. Muling lumilitaw dito ang paksa ng pag-uswag. Ilang anyong tubig at lupa ang nasasagasaan ng rumaragasang industriyalisasyon. Mahigpit na kumakapit ang alaala tulad ng katawang ramdam ang nagbabadyang lagnat. Masasabing higit na pinupunan ng likha ni Jodian ang mga patlang tungkol sa gustong maatim ng eksibisyon. Bukod sa pagtalima nito sa kahulugan ng naitalagang eksibisyon, nakikipagtalastasan din ito sa tema ng mga tinipong diagram ni Buen, maging ang marubdob na paggunita ni Yolanda sa maikling pelikula ni Tejera. At kung init ang pag-uusapan, mahusay ang pagsasapuwesto nito katapat sa kanang gilid ang Sunspots (1978) ni Derek Tumala.

Agaw-pansin ang piyesa ni Tumala sa malawak na puting pader sa kanlurang gawi ng eksibisyon. Naka-project ang pinagsunod-sunod na kaganapan sa balat ng araw ayon sa tala ng Manila Observatory. Ang anumang peklat o kulo sa araw ay may katapat na epekto sa mundong ginagalawan natin. Kung pinalad ka sa pagbisita, masasaksihan mo ang piyesa ni Tumala na nagpipinta alinsabay ng mga anino mula sa sinag ng papalubog na araw. Sa dakong kanluran ng galeriyang ito higit na makikita ang matalinghagang espasyo ng museo.  

Nakapaskil sa tabi ng video work ni Tumala ang ilan sa mga likhang sining mula sa permanenteng koleksyon ng museo. Kaakibat ng mga naglalarawan ng kanayunan ay ang maikling sipi mula sa sanaysay ni Rizal na The Indolence of the Filipino na nakasalin sa Ingles at Filipino. Ang mga naipintang hulagway ng mapapayapang pook sa Pilipinas ay isa na namang lagusan ng talastasan para sa mga piyesang nakapuwesto sa gawing ‘to. Dalawang likha ni Troy Ignacio ang nakatabi sa tinipong kawilihan ng kanayunan. Sala-salabid na organikong anyo ang nakapalaot sa papel. Mahihinuha sa mga kanto-kanto ng nasabing anyo ang tila gusali at hagdang nagsisulputan. Binibigyang timbang ng mga hugis at kulay ang ilahas: mula sa mga larawan ng luntiang baging hanggang sa makikitid at madidilim na lambak. Bagamat payak ang pakiramdam at pamilyar ang nabubuong pigura ng dalawang piyesang watercolor ni Ignacio, napakadaling lagpasan ito ng tingin o masabik sa kung ano ang nasa kabilang tabing ng kurtina sa video room.

Makalagpas sa projection ni Tumala, mauulinigan ang Noise Herding ni Corinne de San Jose. Limang speaker ang nakabilog at may puwang sa gitna na nag-iimbita sa pamamalagi ng bisita. Maririnig mo ang iba’t ibang serye ng mga bumabagabag na tunog: ang singaw ng mainit na araw kakabit sa mga busina’t preno ng ‘di mawaring behikulo. Mula sa pagkakabilog ng mga speaker hanggang sa pilit na pagtitiyak ng mga katunugan, masasabing may hikayat at hiwaga ang piyesang ito ni Corinne. Ang pag-aapuhap ng katiyakan sa tunog ng piyesa ni Corinne ay sumasaliw sa mga monokromatikong larawan ni  Veejay Villafranca. Mahamog ang pagkakadikit-dikit ng bawat retrato ng eksenang lungsod, tila mga ‘di maalalang bangungot.

Katabi ng mundong hinulma ni Corinne mula sa tunog ang mga likha ni Costantino Zicarelli. Sa seryeng Dust of Men ni Zicarelli, mahahalina ka ng nakadikit na larawan ng lalaking nasa talahiban at nakatanga sa monokromatikong puyo. May mga reperensiyang kulturang popular na inuungkat ang mga guhit ni Zicarelli. Higit na nakapupukaw ang nakadikit na larawan ng lalaking halos lamunin na ng puyo. Sa optikong ilusyon ka unang mapalilingon dahil abot-tanaw na ‘to sa labas pa ng mga salaming balat ng museo. Ang kaugnayan nito sa tema ng eksibisyon ay posibleng nilamon at nilunod na ng puyong tinitingnan ng lalaki, at sinusuka na lamang ng mga nagpupumilit mangahulugan.

Wala sa indibidwal na kaugnayan at kahulugan ng mga piyesa ang kalakasan ng Fever Dream. Masasabing mabisang eksperimento ng pag-curate ang kabuuang eksibisyon. Kaya nitong makipaglaro at maengganyo ang napadaan lamang na bisita. Binubuhay ng mga piyesa ang pandinig natin bilang dagdag sa pandama ng mata. Sa paggamit nito ng mga elementong halaw sa mundo ng tunog, napatitingkad ang karanasan natin sa sining at kapaligiran. Pinababagal nito ang pagbagtas sa bulwagan. Napatititig tayo sa mga litrato ni Villafranca o napatitigil sa larawan ng araw na hindi naman natin tuwirang matitigan, lalo na sa nakatutunaw na panahon noong unang kalahati ng taon. Bukod sa di-erkon na bulwagan ng museo, naging santuwaryo rin ang Fever Dream dahil halo-halong piyesa ang nakahain sa atin.

Kung ano ang kapayakan ng mga eksena, hulagway, at tunog, ay siya ring naghahatid ng taranta. Anong kinalaman ng buradong mapa sa lungsod na nasa bingit na ng desperasyong makaraos? Bunsod ba ng pag-uswag ang sakit na bumibihag sa metro? Labas sa mga pariralang hindi maipagkabit, hindi mo maiiwasang malula sa pinagsama-samang mga piyesa sa kanlurang gawi ng unang palapag. Ang eksperimento sa talinghaga ng espasyo ay naging masusi lamang sa piling mga piyesa. Lunas lamang sa lulang ‘to ang salaming balat ng museo na siyang daluyan ng loob at kapaligirang luntian sa espasyong lunan ng Museong Vargas.

Sa Fever Dream pinamumutawi ang usapan ng sakit sa karanasan ng mundo, bayan, lungsod, at indibidwal. Mabigat at malawak ang nosyon na hinahamon ng eksibisyon. Ngunit kung kaya nitong mapatahan at mapukaw ang publiko, higit na kaya nitong maibuklod ang samot-saring daluyan ng sining para magbunsod ng lunas sa malawakang lagnat na dinaranas natin at ng daigdig.

Photos from the UP Vargas Museum Facebook page.

Maverick’s fascination with sound, space, sculpture, and performance led him to take up a BA in Art Studies (Interdisciplinary) with a Minor in Theatre and Performance Praxes from the University of the Philippines Diliman. He is also maintaining his Visual Arts and Cultural Studies Scholarship from the Office for Initiatives in Culture and the Arts from the same institution. He has previously interned at the University of the Philippines Vargas Museum and Filipiniana Research Center, Likhaan Fair, and Office of the Senator Francis Pangilinan. Beyond galleries, museums, and alternative art spaces, he is either mindfully walking, jogging, or cycling around the urban jungle of Metro Manila.

Disclaimer: The views expressed here are solely those of the author and do not necessarily reflect the views of the Kalaw-Ledesma Foundation, Inc (KLFI).